Globalisasyon, ano nga ba ito?

Ayon nga sa isang kataga, ang pagbabago lamang ang tanging natitiyak at permanente sa mundong ating ginagalawan. Sa patuloy na pagtakbo ng panahon at paglipat ng mga kamay ng orasan ay siya rin ang walang-humpay na pag-unlad ng daigdig patungo sa makabagong paraan ng pamumuhay.

     Pagbabago. Ang salitang ito ay labis kong maihahambing at maiuugnay sa isang napapanahong isyu na ilang taon nang pinagtatalunan at pinaguusapan sa buong sanlibutan: GLOBALISASYON. Ngunit, ano nga ba talaga ang tunay ng kahulugan nito?GL

  • Ang globalisasyon ay ang proseso ng internasyonal na pagsasama-sama bunga ng pagpapalitan ng mga pananaw, produkto, ideya at iba pang aspeto ng kultura mula sa iba’t ibang bansa.
  • Ito ay tumutukoy sa paraan kung papaano nagiging pang-internasyonal ang lokal o pambansang gawi gaya na lamang ng mga sumisikat na trends, pagkain, kanta, at palabas na nagiging malaking bahagi na ng pamumuhay ng iba’t ibang tao.
  •  Sa globalisasyon, naipapasa sa mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga kaisipan tungkol sa ekonomiya, teknolohiya, kultura atbp. Sa madaling salita, sa globalisasyon ginagawang magkakasama ang buong daigdig.

     Ang lumalawak na pandaigdigang pagsasama-samang ito ay nagdulot ng pangkalahatan at kawing-kawing na mga resulta ng pagbabago — sa ekonomiya, politika, kultura, at kapaligiran. Sa pamamagitan ng globalisasyon, nagkakaroon ng pagpapalitan at pagtutulungan o interdependence sa pagitan ng mga bansa. Nagbigay at patuloy na nagbibigay daan ito upang magkaroon ng interconnection ang iba’t ibang bansa at tumutulong din ito upang sumulong ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpasok ng makabagong teknolohiya at pagbilis ng palitan ng impormasyon nang sa gayo’y maiwasan ang miscommunication.

     Labis na napabuti ang kalagayan ng mundo dahil sa tulong at impluwensiya ng globalisasyon hindi lamang sa ekonomiya, kundi pati na rin sa entertainment industry at sa pansariling interes ng mga tao, lalong-lalo na ng kabataan. Subalit, nakalulungkot isipin na kaakibat ng mga ito ay ilan ding mga bagay na masama at maituturing na negatibo.

Kung ikaw ay aking tatanungin, ano ang paborito mong kanta? Pelikula? O ‘di kaya ay restaurant? Nakapaninigurado ako na karamihan sa mga bagay na labis na tinatangkilik ng karamihan sa atin ngayon ay may bahid at impluwensya ng mga dayuhang bansa at hindi lamang purong Pilipino. Ang isang mabuting halimbawa dito ay ang labis na pagmamahal ng mga kabataang Pilipino ngayon sa K-pop, Korean Drama, Korean Cosmetics, Korean Food at marami pang iba. 

Hindi masamang tangkilikin ang mga bagay na pambanyaga, subalit mahalaga na sa kabila nito ay hindi natin makalimutan ang sariling atin.

1. Unang-una dito ay ang paggamit natin ng ating sariling wika, na ayon nga sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”.
jose-rizal

2. Susunod naman ay ang hindi pagbabalewala sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas na labis pinaghirapan ng ating mga ninuno. Kapag patuloy tayong nagpadala at nagpagapos sa impluwensiya ng ibang bansa ay hahantong sa wala ang kalayaang pinagpaguran ng pinakamamahal nating mga bayani.

kasaysayan-clip-art-22.jpg

3. Mahalaga ring matuto tayong mga kabataan na ipagmalaki ang sariling atin, mula sa OPM songs, pelikulang Pilipino, kahit hanggang sa masasarap nating pagkain.

mmff-2018-entries-1.jpg

     Upang maiwasan ang paglaho ng cultural identity ng ating lupang tinubuan, nararapat na tayo ay magtiwala at magkaisa upang suportahan nang buong puso’t kaluluwa ang ating Inang Bayan. Bilang Pilipino, at bilang kabataan ng Perlas ng Silanganan, mahalagang bago tayo matutong magmahal ng iba, ay ipagmalaki at palaguin muna natin ang mga bagay na sariling atin.

     Dahil sa patuloy na pagtakbo ng panahon, ang usapin at isyu sa globalisasyon ay naririyan at mananatili. Bagamat may mga hindi mabuti itong epekto ay nasa sa satin pa rin kung paano natin mapamamahalaan ito nang wasto. Kaya tayo, bilang kabataan, halina’t umaksyon at magdesisyon nang tama’t marunong nang sa gayo’y mabigyang katuparan natin ang wika ng ating pambansang bayani; tayo ang magsilbing kinabukasan ng ating bayan.

“Never let the things you want make you forget the things you have.”